Kailangan bang may magbago?
June: buhok mu lang nagbago sa itsura mu eh
Angela: baket kelangan ko ba talaga magbago?
June: i was expecting more changes..
Angela: like?
June: hmm.. di ko lam eh.. gusto ko sana un di na kita makikilala..
Angela: Well sorry I didn’t live up to your expectation. Bakya pa rin ako.
Isang bahagi lamang ito ng pag-uusap namin ni June, dati kong ka-blockmate sa UP, noong nagpang-abot kami sa Y!M kagabi. Isa siya sa mga malapit kong kaibigan noong kolehiyo kaya naman nabigla ako noong nabanggit niya ito sa akin. Kaya naman umariba ang isang tanong: Kailangan bang magbago?
Hindi ko alam kung isa ba itong patunay sa stereotypical image na nabubuo sa isip ng mga Pilipino kapag may mga kaibigan silang nangibang-bansa o tuluyan nang nag-migrate. Anong klaseng pagbabago ba ang inaasahan nila? Kailangan bang blonde o may tina na ang buhok? Kailangan bang slang o may twang na sa pananalita? Kailangan bang hindi na matatas sa wikang Filipino?
Hindi ko alam, medyo nabagabag kasi ako sa ideyang ito. Kasi kung totoo man ito, maraming implications. Tulad na lamang na kailangang alisin ang pagiging mukhang Pilipino at kailangang maging banyaga. Para “hindi na makilala.”
Pero sa totoo lang, wala akong makitang dahilan para dumaan pa ang isang Pilipinong nangibang-bayan sa ganitong magastos na proseso para lamang “hindi siya makilala” ng kanyang mga naiwang kaibigan sa Pilipinas. Wala namang nakakahiya kung moreno ang kulay ng iyong balat (ang mga sobrang puti nga, gumagastos nang maigi sa mga tanning salons para maging kulay tan o moreno lang eh). Wala namang nakakahiya kung nagsasalita pa rin ako ng Pilipino sa loob ng bus kapag kausap ko ang mga kapwa ko Pilipino.
Mas gusto ko ang ideyang sa kabila ng matagal kong pamamalagi sa ibang bansa (at pagiging mamamayan nito), ay napanatili ko pa rin ang mga bagay na makakapagpatunay na isa pa rin akong Pilipino. Hindi iyon nakakahiya. At hindi iyon kailangang magbago.