Pagninilay
Noong nakaraang Enero ay nanumpa na ako sa harap ng hukom at naging ganap nang mamamayan ng bansang Canada. Taong 2006 ko pa napagdesisyunan ito at naayos lang ang proseso ng application ko noong nakaraang taon. Bandang Hunyo ay naisaayos ko na ang papeles; dumating ang Nobyembre at naganap ang pagsusulit.
Sa mga buwang nagdaan habang naghihintay ako ng sulat bilang kasagutan, wala namang bumagabag sa akin. Kasi ang layunin ko ay para mabawasan na ang dapat kong gawin. Nakatuon lang ang pansin ko sa ideya na may mga importante akong bagay na dapat tapusin bago man lang ako matapos ng pag-aaral ko, at isa na dito ay ang maisaayos ko ang aking status. Malaking bahagi na rin ng pagpapasya ko na kumuha na ng citizenship examination ang mga long-term goals ko – kung mag-aaral ba ako sa ibang probinsya o ibang bansa, o kung balak ko bang maglakbay sa ibang lugar.
Pero nang naramdaman ko na ang nalalapit na oras ng panunumpa, bumalik na naman ang pagdududa ko sa aking sarili. Totoo nga at hindi ako nagdalawang-isip habang in-process ang pagiging citizen ko, subalit inabot din ako halos ng isang taon kakaisip kung tama nga ba ang gagawin ko, at ano ang mga bagay na nakalaan at kaakibat ng desisyon kong ito. Umabot din sa puntong naisip kong parang kay dali yatang maging mamamayan ng Canada dahil madali lang ang pagsusulit. Inisip ko kung ano nga ba ang dahilan ng pagiging isang legal na mamamayan ng isang bansa; ano ang mangyayari kung magiging Canadian na ako, at ano naman ang mangyayari sa pagiging Filipino ko.
Noong nakuha ko na ang resulta mga dalawa o tatlong linggo bago ako manumpa, alam kong wala nang atrasan ito. Tutal, ginusto ko naman ito. Subalit sa kabila noon, nakaramdam ako ng inis sa sarili ko. Parang nakagawa ako ng krimen sa sarili kong bansa. Pakiramdam ko, naging traydor ako sapagkat mas iniisip ko pa ang sarili kong kapakanan kaysa sa kapakanan ng bansang iniwan ko. Parang hindi rin ako naiiba sa mga taong paglapag na paglapag pa lamang ng kanilang mga paa sa ibang bansa ay kinalimutan na ang kanilang pinagmulan at pilit ang pagsasalita ng Ingles kahit naman marunong sila mag-Tagalog.
Matapos kong manumpa, naalala kong may naisulat ako tungkol sa plano kong pagpasa ng application mga isa o dalawang taon na ang nakakaraan. Binalikan ko ang aking talaarawan at nainis ako sa sarili ko sapagkat nakalimutan ko ang tanging dahilan kung bakit ako nagpasyang ipagpatuloy ang aking plano: “Kahit saang sulok pa ako ng mundo dalhin, kahit anong wika at tradisyon pa ang matutunan ko, hindi pa rin maaalis sa akin ang kinalakihan ko. I still respect my country today they way I respected it before.”
# # # # # # # # # #
Originally published at Filipino Journal, Volume 22, Number 8.