Pantasya
Naulinigan niya ang mahinang bulong at hagikhik na nanggagaling kung saan. Mababaw siya kung matulog, kaya naman naalimpungatan siya at hinanap kung saan nanggagaling ang tunog. Sino naman kaya ang gising pa sa ganitong oras?
Hindi pa niya lubusang naiaangat ang kanyang katawan nang makita niya ang liwanag na nanggagaling sa computer monitor nilang magkaibigan. Naisip niyang baka nanonood lang ng kung ano ang kaibigan niya, pero ano naman ang pinapanood niya? At madaling-araw na!
Dahan-dahan siyang gumapang para di matanaw ng kaibigan niyang nagising siya. Nasa itaas siya ng bunk bed kaya naman maaari niyang tingnan ang ginagawa nito. Wala ito sa harapan ng monitor. Nang nakapag-adjust na ang kanyang paningin sa dilim ng paligid ay nakiramdam siya. At nakarinig ng mga bagay na sa loob-loob niya ay di na lang niya dapat pinakinggan.
“Sshhhh! Huwag kang maingay!”
“Pero natatawa ako! Hihihi!”
“Baka magising si Felix.”
“Hindi ‘yan. Puyat yan kakaaral kaya malamang naghahabol ng tulog.”
“Sigurado ka? Paano kapag nahuli tayo?”
“Hindi tayo mahuhuli. Sigurado ako. Pagbibigyan mo ba ako?”
“Hihihi. Sige na nga.”
Napadilat siya sa kawalan. Tama ba ang narinig niya? Baka naman tulog pa siya at nananaginip lang. Kinapa niya ang kanyang cellphone at tiningnan ang oras, alas-tres ng madaling-araw. Gising nga siya. Ano ba ang narinig niya? May babae sa loob ng kuwarto nilang magkaibigan?
Nakiramdam siya ulit. Wala na siyang naririnig na pag-uusap, pero may naririnig siyang mahinang ungol. Napamura siya sa sarili. Pilit niyang tinandaan ang boses ng babae, subalit bigo siya. Inisip niya ang mga naging nobya ng playboy na kaibigan. Carla. Jonah. Kristel. Mae. Justine. Madami. Madaming-madami. Malamang bagong babae na naman ito, sa loob-loob niya.
Sanay na siyang madaming babaeng pinapakilala sa kanya ang kaibigan niya, pero ito yata ang pagkakataong may itinakas na babae ang mokong sa loob ng boarding house. Bawal magdala ng babae sa loob, at tiyak na kasama siya sa malilintikan kapag nalaman ito ng landlady. Naisip niyang kausapin na lang ang kaibigan kinaumagahan para naman hindi na nito ulitin ang nangyari. Nakatingala pa rin siya sa kisame, naaaninagan lang niya ang liwanag ng computer habang naririnig niya ang ginagawang milagro ng kaibigan niya at ng babaeng dala nito. Pumikit siya, sinubukang matulog, pero hindi na niya magawa, lalo na at narinig niya ang nakakaakit na pag-ungol ng babae.
Ang pagkailang ay napalitan ng hindi mapigilang pananabik na nagsisimula nang gumapang sa kanyang katawan. Nakaramdam siya ng panginginig ng kanyang laman. Napapikit siya, pagkuwan ay napadilat muli. Tama ba ang gagawin niya? Ah, bahala na, sa loob-loob niya, sabay talukbong ng kumot. Sa kanyang pagkukubli ay nagpakalunod siya sa naririnig niyang halinghing, bulong, at pigil na pagsigaw na nagmumula lamang sa ilalim ng kamang kanyang kinahihigaan. Hindi na niya naiintindihan ang nararamdaman niya, parang nilalamig siya na naiinitan, at alam niyang isa lang ang paraan para maibsan ang kakaibang sensasyong iyon�
Naramdaman niya ang mahinang pagyugyong ng bunk bed, patunay na ganoon din ang ginagawa ng dalawa sa ilalim. Napapikit siya ng mariin. Kaunti na lang… malapit na…
May paimpit na sigaw siyang narinig, at napatigil ang paggalaw ng kama. Nakaramdam siya ng pagkislot ng bahagi ng kanyang katawan, pagkatapos ay napatigil siya sa kanyang ginagawa. Pinagpapawisan na siya ng butil-butil at nawala na ang mainit-malamig niyang pakiramdam. Pinunasan niya ang kanyang pawis gamit ang kanyang kumot at mabilis subalit maingat niyang inayos ang sarili.
Narinig niyang nagsalita ang kaibigan niya, kausap ang babae. “Masarap ba?” Tumawa lang ang babae.
Napangiti siya sa sarili. Hindi niya muna isusumbong ang kaibigan niya sa landlady.
# # # # # # # # # #
Originally posted at Peyups, under the column, The Ampersand.