Limampu at lima

SULAT
Araw-araw kong inaabangan ang liham na ipinadala niya sa akin, subalit wala pa ring dumadating. Kulang na lang ay tanungin ko ang kartero. Pero tuluyan na yatang nawala. Nakakapanghinayang.

Hindi bale, pero sana hindi siya magsawang sumulat sa akin. Baka kasi sa huli ay mawala rin ang pag-ibig niya tulad ng sulat na ipinadala niya.

SELDA TREINTA Y OCHO
Nakakasawa na ang paulit-ulit na panenermon nina ma at dad. Ang problema naman kasi, hindi lang naman ako ang may kasalanan kung bakit ganito kami ngayon. May responsibilidad din sila noon at hindi nila nagampanan iyon. Bakit ako lang ang sinisisi? Dahil magulang sila at anak lang ako?

Malaya ako pero nasasakal pa rin ako.

KAPE
Kung tama ang pagkakabilang ko, may labing-apat akong trabahong dapat tapusin sa limang subject ko sa eskuwela. Kumikirot na ang ulo ko sa pagod at puyat. Oo, pagod lang talaga ako.

Nginitian mo ako at marahang hinalikan sa pisngi. Nilapag mo ang isang malaking tasa ng kape sa aking lamesa. Oo, kaya ko nga ito.

LARAWAN
Dalawang taon na akong nandito sa ibang bansa at simula noong huli tayong nagkita-kita. Araw-araw kong tinitingnan ang larawan natin noong tayo ay nagtapos. Masaya tayong pito noon. Dama natin ang ating kabataan at ang matibay nating pagkakaibigan.

Tumatanda na tayo. Nangungupas na ang larawan. Naaalala ko kayo palagi, pero ako, naaalala niyo rin kaya?

# # # # # # # # # #
Originally posted at Peyups, under the column, The Ampersand.

This entry was posted on Saturday, October 8th, 2005 at 3:14 am and is filed under Filipino, Peyups, Stories, The Ampersand. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.