Pagbabalik sa ‘Gapo
Tatlong taon na simula noong huli tayong magkita. Naaalala mo pa ba? Matapos ang mapait na tagpo sa pagitan nating dalawa ay napag-isipan kong itigil na ang kabaliwang ito. Nagsimula akong lumimot. Masakit, oo, pero iyon ang nararapat.
Subalit sa kabila ng inaasahan kong mga gabing puno ng pait, mabilis na naghilom ang aking puso. Nakuha kong muling ngumiti. Wala na ang mga luhang tumutulo tuwing nakikinig ako sa mga awiting pareho nating gusto. Tapos na ang pighati para sa akin. Bahagi ka na lamang ng isang alaala.
Natakot ako nang naisip ko iyon. May kirot akong nadama sa kaalamang may mga damdamin palang madali at kusang naglalalo. Isa kaya itong senyales na hindi kita tunay na minahal? Isang panandaliang pagtatangi lang nga kaya ang nadama ko sa iyo? Mahirap hanapan ng sagot ang mga bagay-bagay; siguro ay nararapat lamang na iwanan ito nang hindi nabibigyan ng kasagutan. Siguro, kung sakaling mahahanap ko ang sagot ay hindi ko naman ito matatanggap, kaya mas mabuting iwan na lamang ito kung ano ito ngayon bilang isang katanungan. Isang palaisipan.
Tatlong taon. Wala na akong narinig sa iyo pagkatapos noon. Tuloy ang buhay, sabi nga nila. Hindi ko na naririnig ang pangalan mo tuwing nagkikita kami ng pinsan ko na kaibigan mo rin. Hindi ka na nagpapadala ng e-mail o ng text message. Naging bagong nobya mo na ang isa sa mga kaibigan natin. Wala na ang anino mo. Wala ka na. Siguro iniwasan mo rin ako, para hindi na ako masaktan at para hindi rin masaktan ang babaeng mahal mo ngayon. Kapag iniisip ko ito ay hindi ko magawang magalit, bagkus ay napapangiti ako. Pinili mo ang babaeng mahal mo at hindi ang kaibigan mo (na nagmahal, o nag-akalang minahal ka). Gumawa ka ng desisyon sa kabila ng kaalamang may masisiyahan at may masasaktan. Kaya naman ngayon ay napapahanga ako sa iyong ginawa.
Kaibigan, muli akong maglalakbay patungo sa lugar na naging napakahalaga sa akin. Hindi ko alam kung kailan ako muling magbabalik. Hindi ko rin alam kung magkakasalubong pa ang ating mga landas. Subalit sigurado ako na sa muli kong pagbabalik sa ‘Gapo ay wala nang ngiting maglalaho sa aking labi tulad noong unang pagkakataong sumayad ang aking mga paa sa lupaing nagbigay sa akin ng pinaghalong tamis at pait na alaala.
# # # # # # # # # #
Originally posted at Peyups, under the column, The Ampersand.