Tukso

“Butete. Butete. Bu-te-te. Buteteng Laot .”

**********

Nagising ako. Kinapa ko ang cellphone ko na nasa ibabaw ng lamesa; ala-una ng umaga. Masyadong alanganin ang oras para manatili akong gising. Kadalasan kasi ay hindi na ako natutulog kapag naalimpungatan. Nagtalukbong ako ng kumot at pinilit matulog.

**********

Ilang oras pa ay nagising na ako ulit, pero para naman pumasok sa eskuwela. Tipikal at pangkaraniwang araw – maliligo, magkakape habang nagrereview, sakay ng dyip, pasok sa klase. Lumabas ako ng boarding house at naglakad hanggang sa kanto nang mamataan ko ang isang lalaking naninigarilyo at nakatayo sa labas ng convenience store. Naka-maong itong jacket (na kakaiba kasi ang init ng panahon) at naka-shades na itim (eh makulimlim naman ang langit). Parang kilala ko siya, pero dahil sa suot niya ay hindi ko malaman kung tama ba ang hinala ko. Dire-diretso lang ako at inisip na lang na isa lang siyang customer sa nasabing tindahan.

Nalagpasan ko na ang convenience store nang walang anu-ano ay bigla na lang lumamig ang pakiramdam ko at may tinig akong narinig.

“Butete. Butete. Bu-te-te.”

Pabulong, pero nakakatakot. Tumaas ang balahibo ko. Bigla akong lumingon sa likod ko at napansin kong wala namang tao – pati ang lalaking kani-kanila lang ay nakatayo sa tindahan. Para siyang bulang biglang naglaho.

**********

Isang linggo na ang nagdaan simula nang mangyari ang insidenteng iyon. Wala na akong naramdamang kakaibang karanasan. Naisip ko, kailangan ko ng tulog, lagi kasi akong puyat. Kung ano-ano tuloy ang naiisip ko. Pero dumating ang Linggo.

Hindi ako umuwi ng Bataan dahil madaming nakatambak na assignments. Walang tao sa kuwartong pinagsasaluhan namin ng tatlo ko pang kaibigan. Puyat na ako sa kakabasa ng libro at sa kakatipa ng mga letra sa computer. Naisipan kong lumabas ng kusina at kumuha ng maiinom. Pagkakuha ko ng baso ay nakita kong natayo sa likod ng bintana ang lalaking nakasumbrero – ang nilalang na nakita ko noong nakaraang linggo.

Nalaglag sa aking pagkakahawak ang plastic na baso at bigla akong natigilan. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Para akong yelo na hindi madaling matunaw habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa nilalang na bigla na lang sumulpot. Bakit siya nandito? Bakit pinapanood at sinusundan niya ako? Gusto kong sumigaw pero walang salitang namumutawi sa aking bibig.

Nakarinig ako ng boses ng mga bata at mga yabag na tumatapak sa graba. Nagsisigawan ang mumunting tinig, parang naglalaro.

“Butete!”

“Salbahe ka talaga!”

“Bu-te-teng-laot!”

“Bad boy ka! Isusumbong kita kay Ma’am!”

“Sumbungera! Butete! ”

Sabay ng pagkarinig ko ng iba pang boses, pero mas matanda.

“Gerald, ano na naman iyan? Tigilan mo na yang kakatukso mo at tapusin mo na ang seatwork mo nang makapaglaro ka na sa labas. Maglilinis pa ang Friday cleaners.”

Umiikot na ang paningin ko at nanghina ang mga tuhod ko. Pilit kong pinuntahan ang lababo sa kusina at doon sumandal. Bakit bigla kong narinig ang mga tinig na iyon? Sino sila? Pilit kong inalala ang lahat, nagbabakasakaling bahagi ito ng aking alaala. Dahan-dahan ay dumaloy na parang tubig ang mga imahe sa aking isipan – ang mga graba na nasa gilid ng stage, ang mga batang lalaking naka-khaki shorts, puting polo at medyas, at itim na sapatos. Ang mga batang babae naman ay nakapila dala ang kanilang mga bag, habang nakasuot ng jumper na palda na kulay pula, dilaw, itim at puti, may necktie sa leeg, puting blusa at medyas, at itim ring sapatos. Ang ibang bata ay nagtatakbuhan pa, ang ilan ay ay naglalaro o sinusundo ng mga magulang. May nakita akong isang batang lalaki, may karungisan, hindi nakabutones ang polo at may kapilyuhan ang itsura. May sinisigawan itong batang babae:

“Butete. Butete Bu-te-te.”

Mabilis ang pangyayari, at parang pahina ng mga aklat ang pagpapalit-palit ng bawat eksena. Ang huli ay nawala sa huling larawan ang pilyong bata.

“Na-kickout kasi inaway ang bata. Na-kickout kasi bagsak lahat ng subject. Na-kickout kasi laging nasa guidance. Na-kickout kasi may inaway na naman.”

Napatingin ako sa lalaking nakaitim. Hindi ito tumitinag pero parang alam na nito ang iniisip ko. Pagdaka’y nakita kong kumibot ang kanyang labi at muli akong nanigas na parang isang estatwa.

“Na-kickout kasi sinumbong mo.”

Napasigaw ako, may sinambit na isang pangalan, “Gerald?”

At sa isang kisapmata ay nawala na siya.

# # # # # # # # # #
Originally posted at Peyups, under the column, The Ampersand.

This entry was posted on Saturday, July 2nd, 2005 at 2:52 am and is filed under Filipino, Peyups, Stories, The Ampersand. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.