Pedro Gil

Nakita ko siya kanina, nakita ko siya kanina, nakita ko siya kanina… Naputol ang pag-iisip ko nang marinig ko ang pagtunog ng cellphone ko. Mensahe galing sa iyo. Nangungumusta. Kung ano na ang nangyayari sa akin. At sa kanya.

Paano nga ba kayo nagkakilala? Hindi mo kinuwento sa akin ang buong detalye. Tinanong mo lang ako kung kilala ko siya. Oo, kilala ko siya, sabi ko sa iyo. Nagkita na kami minsan. Nagbabatian kayo, tanong mo pa sa akin. Tanguhan lang saka kaunting kaway. Iyon lang. Wala nang iba. Walang may lakas na bumigkas ng kumusta na, ‘dre? Okay ba buhay?

Binasa ko ang mensahe mo. Marami kang ginagawa, sabi mo pa. May habilin ka. Kapag nagkita kami, sabihin ko sa kanyang kinukumusta mo siya. Sinagot ko ang mensahe mo. Oo, walang problema, basta ikaw, walang problema…

Wala nga bang problema, basta ikaw?

Tinago ko ang cellphone sa ilalim ng unan ko at humiga sa kama. Tiningnan ko ang mga plastic na bituin sa kisame, umiilaw, pero hindi kumikislap. May liwanag pero may hatid pa ring kadiliman. Ganoon rin kaya ang lagay ko sa iyo, may pagmamahal pero walang pagtingin? Ang labo noon.

Ah, hindi nga puwede, naisip ko. Kumbaga sa gamit, pagnanakaw ang naiisip kong gawin. Pero masama nga iyon, kahit namang anong pangangatwiran ang gawin ko. Hindi ako si Robin Hood na magnanakaw para sa kabutihan ng iba. Kung mangungupit ako, para sa sarili ko, at hindi para sa iba pa. Siguro kung para sa iyo, puwede pa.

Kinuha ko ang katabing unan at tinakpan ang ulo ko. Pero nakita ko siya kanina. May kasamang iba. Sabihin ko kaya sa iyo? Di gaano kagandahan ang babae, pero maitsura na rin. Mahaba ang buhok. Medyo may katandaan siguro sa kanya, mga isa o dalawang taon lang. Galing silang College of Dentistry. Hindi naman sila mukhang malambing sa isa’t isa, pero parang may namamagitan sa kanila. Sabihin ko kaya sa iyo? Ano kaya?

Nakita niya ako. Nakita ko rin siya. Kumaway ako, ganoon din siya, pero masyadong matigas ang reaksiyon niya. Baka nga may ginagawang kalokohan. Dumiretso sila sa Robinsons. Sinundan ko ng tingin. Nakatayo lang ako sa may kalye, hindi ko na alintana ang batang kumakalabit sa akin at nanghihingi ng limos.

Lumabas ako ng apartment. Naglakad ako. Tumawid papuntang Petron. Naglakad. Naglakad. Naglakad. Sabihin ko kaya sa iyo ang nakita ko? May dahilan na kaya ako para nakawin ka?

# # # # # # # # # #
Originally posted at Peyups, under the column, The Ampersand.

This entry was posted on Saturday, June 18th, 2005 at 2:45 am and is filed under Filipino, Peyups, Stories, The Ampersand. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.