Tubao
“Galit ka ba sa akin?”
“Hindi.”
“Eh bakit hindi ka nagsasalita?”
“Wala lang.”
Patlang.
“Mahal mo ba ako?”
“Ha?”
“Sabi ko, mahal mo ba ako?”
“Ewan…”
“Ano’ng sagot mo? Dalian mo. Aalis na itong jeep.”
“Ewan ko nga.”
“I’ll take that as a yes. Well, tayo na ha? See you around.”
“Okay.”
Nahanap ko ang lumang tubao na kinuha ko sa iyo ilang taon na ang nakakaraan. Bagay pa rin sa akin, hindi ba nga ikaw na rin ang nagsabi noong itinali ko ito sa aking ulo? Naalala ko, suot-suot mo rin ito noong pinuntahan mo ang kapatid mo sa Kalayaan. Abot-tanaw lang kita, may dinalaw din kasi akong kaibigan. Alam mo ba kung bakit ko ito hiningi sa iyo? Ganito kasi… Alam mo na ‘yun. Alam kong alam mo na ang gusto kong ipahiwatig.
Lagi akong nakakaramdam ng pagkakabuhol-buhol sa aking tiyan tuwing bumabalik sa aking gunita ang araw na tinanong kita kung puwede bang maging tayo. Nakakatakot, kakaiba, kasi bakit naman kita yayayain, hindi ba? Pero alam ko namang hindi mo ako liligawan, at hindi ako makakapaghintay kaya ako na ang gumawa ng paraan. At tulad ng inaasahan, masyado kang mahinhin at tinanggap mo na lang ang pagtatapat ko. “Okay.” Ito lang ang sagot mo sa matapang kong tanong. Ganoon lang. Kakaiba pa rin, pero masaya, hindi ba?
Hindi naman nagtagal ang kasiyahan natin. Ako ang nagsimula ng relasyon, pero ako rin ang unang sumuko. Hindi kasi kita kayang tulungan. Wala akong alam kung paano ko bubuhatin ang mabigat na krus na pasan-pasan mo. May kasalanan ba akong nagawa sa iyo? Nagpasensiya ka sa akin, kahit alam kong hindi mo ako ganoon kamahal, nandiyan ka pa rin. Ginampanan mo ang pagiging nobyo ko. Binigay mo sa akin ang lahat ng puwede mong maibigay, pero ako, basta na lang pumasok sa buhay mo, pagkatapos ay walang pakundangang aalis dahil sa makasarili kong mga dahilan. Para kong tinapon sa tabi ang katiting na damdaming inalay mo sa akin.
Ito ang araw kung kailan kita niyaya. Kung noon ay hinintay ako ng jeep para makasakay habang inaabangan ko ang iyong sagot, ngayon ay pinapanood ko na lamang ang mga sasakyan habang ako ay mabilis nitong nilalagpasan. Abo na lang ang natira sa sigarilyo ko at nasa basurahan na ang baso ng sago. Kahit anong paghihintay na gawin ko sa kinatatayuan ko ay hindi ka na babalik. Sayang, hawak na kita pero pinalipad pa kita. Wala nang ibang bagay ang natira sa akin kung hindi itong tubao na ito na minsan ay naging sa iyo; tulad noong mga panahong minsa’y ikaw ay naging akin.
# # # # # # # # # #
Originally published at Peyups, under the column, The Ampersand.