Parang Sweet and Sour Sauce
Paano nga bang mamuhay nang malayo kay Inang Bayan?
Sasagutin ang tanong na iyan sa pamamagitan ng isa pang tanong: Nakatikim ka na ba ng sweet and sour sauce? O ng sweet and sour na ulam, mapa-isda, karne, o gulay man? Kung oo ang sagot mo, sasabihin ko sa iyo ito: nasagot mo na rin ang ipinukol kong katanungan.
Ang putaheng sweet and sour, may dalawang lasa; tila ba naghahalo ang tamis at asim kung kaya naman nagkakaroon ng panibagong lasa—iyong alam mong masarap pero hindi mo maipaliwanag kung ano mismo ang iyong natitikman.
Marahil doon ko maihahalintulad ang buhay na malayo sa kinagisnan kong bansa—may halong saya at kalungkutan. Malungkot, dahil lumayo kami sa kinagisnan naming bansa. Bilang panganay na anak, kinailangan kong unawain ang dahilan ng pangingibang-bansa ng aking pamilya. Hindi ko maitatangging ang dahilan ng aming pag-alis ay ang unti-unti nang pagbagsak ng ekonomiya ng Pilipinas. Nagsasara na ang ilang kumpanya sa bansa, kabilang na ang dating pinapasukan ng aking ina. Ang aking ama naman ay nagtatrabaho sa Gitnang Silangan, at hindi rin tiyak ang kanyang trabaho roon. Maaaring mayroon kaming sapat na ari-arian, subalit dahil sa mataas na presyo ng bilihin at tila walang katapusang gastusin, napag-isipan ng aking mga magulang na kailangang gumawa ng hakbang upang “isalba” ang pamilya at upang mabigyan kami ng aking kapatid ng magandang kinabukasan.
Sa pagbabagong ito ay nalaman kong kailangan kong magbigay-daan at isakripisyo ang ilang bagay. Isa na rito ay ang pagliban ko sa Unibersidad at pagpapagpatuloy ng pag-aaral sa ibang bansa. Kung noong nakaraang taon ay nasa unang taon ako sa kursong sosyolohiya, muli akong nagbalik sa ika-12 baitang (fourth year high school sa Pilipinas) upang kumuha ng ibang mga subjects na kakailanganin ko sa muling pagpasok sa kolehiyo. Nakakalungkot ding isiping kailangan kong iwan ang aking mga kamag-anak at mga kaibigan. Kailangan ko ring magtrabaho upang hindi na ako umasa sa malaking gastusin ng aking mga magulang.
Masaya rin namang mamuhay sa ibang bansa. Dahil sa paglipat namin ay nabigyan ako ng pagkakataong mabuo ang aking pamilya. Sa loob ng labing-walong taon ko rito sa mundo ay hindi ko nakasama nang matagal ang aking ama dahil siya ay nagtrabaho rin sa ibang bansa para may ipangtustos sa aming mag-iina. Sa unang pagkakataon ay nakakita rin ako ng nalalaglag na yelo mula sa langit. Nakaramdam din ako ng kakaibang lamig dulot ng snow storm at wind chills at nakapagsuot ng mabibigat at makakapal na jacket at winter coats. May ilan din akong nakilalang mga kapwa imigrante; ang ilan sa kanila ay kasama kong nag-aaral sa isang pampublikong paaralan. Nalaman kong hindi rin pala ako nag-iisa: maraming mga Pilipino ang nakaranas ng aming pinagdadaanan ngayon, at nakikita ko kung paano sila nagsusumikap sa buhay.
Subalit kung mayroon mang isang bagay na ikinatutuwa ko ngayong nasa ibang bansa na ako, ito ay nabigyan ako ng ibang perspektibo sa buhay. Noon ay iniisip kong buhay-hari at reyna ang mga tao sa ibang bansa. Subalit nagkamali ako. Ang pamumuhay sa ibang bansa ay hindi lang puro saya—hindi umiikot ang buhay ng isang imigrante o overseas filipino worker (OFW) sa imported na tsokolate o mamahaling pabango. Ang buhay rito ay hindi rin kasindali ng paglilipat ng channel sa telebisyon: na kapag pinindot mo ay mag-iiba na ang palabas. Maaaring dolyar ang kinikita namin ng aking mga magulang, pero hindi iyon sapat na dahilan para sabihing mayaman na kami. Dolyar din at hindi piso ang ginagastos namin, kaya halos wala ring ipinag-iba ang sitwasyon kung pinansiyal na aspeto ang pag-uusapan. Madali ngang makahanap ng trabaho, madali ka rin namang matatanggal dahil sa pagle-lay off ng mga kumpanya.
Ano, kung gayon, ang masasabi ko sa lasa ng buhay sa ibang bansa? Parang sweet and sour sauce. May asim at may tamis, pero may nangingibabaw na bagong lasa.
# # # # # # # # # #
Originally published at Tinig, Issue 38, under the column Ibayo.