Love Letters Sa Diyaryo: Part I

Nakasanayan ko nang bumaba ng maaga galing sa apartment unit namin para kunin ang diyaryo sa vending machine. Hindi naman kasi katulad ng ibang lugar na mayroong delivery boy na nagdadala ng diyaryo, dito eh haytetch, este, high-tech. Di-pihit ang pagkuha ng diyaryo. Hindi rin katulad sa Pilipinas na mayroong bilihan sa diyaryo sa malapit na kanto. Kahit -17 degrees ang temperatura sa labas, kelangan kong bumaba para makatikim ng balita.

Pero kakaiba ang araw na iyon kasi paglabas ko ng pintuan, mayroon nang kopya ng Winnipeg Free Press sa harapan ng pintuan ng unit namin. Luminga ako sa pasilyo, wala namang tao maliban sa akin. Dinampot ko nalang yung diyaryo, mukha namang walang may-ari. Isa pa, sayang din yung CAD 1.50, aba, PHP 63 din yun ha!

Maaga pa naman kasi noon, kaya naman nagbasa muna ako saglit ng diyaryo. Pagbuklat ko sa A section ng diyaryo, may nakita akong sobre. Natural nalang sa akin yun kasi lagi namang may mga nakasingit na flyers doon. Kaya naman binulatlat ko yung laman ng sobre. Nagtaka na ako. Walang palatandaan na isa iyong flyer. Dapat may mga nakaprint sa harap ng sobre. Pero wala. Natakot na ako, inisip ko baka may anthrax yung sobre, baka mahawaan ako ng virus! Umiral na naman ang pagkaparanoid ko.

Naisip ko, kate-katera din ako. Una sa lahat, hindi naman akin yung diyaryo, pero kinuha ko. Pangalawa, pinakialaman ko yung sobre na halata namang hindi akin. Malamang importante yung sulat. Gawa na lang siguro ako ng paraan, tipong kuha nalang ako ng bagong sobre para hindi halatang binuksan ko yung sulat. Tutal huli na ang lahat, nabuksan ko na eh. Saka ko na puproblemahin kung kanino ibabalik yung sulat at diyaryo.

Binasa ko na yung sulat. Laking gulat ko. Taglish!

Hello. I noticed that you always go down and pick up the newspaper. Kumuha na ako ng sa iyo. You’re new here, right?

Wala pang pangalan kung kanino galing. Halatang para sa akin yung sulat, kasi yung pamilya lang naman namin ang bagong lipat sa apartment na iyon. Sinubukan kong lumabas ulit ng unit namin, baka merong sumisilip-silip sa hallway. Paglabas ko, wala, tahimik naman.

Tiningnan ko ang relo, 8:20 na ng umaga. Naghanda na ako para pumasok sa eskuwela. Iniwan ko na yung diyaryo sa sala. Pero yung sulat, hindi.

**********

Ang naunang sulat ay nadagdagan pa ng isa. Tapos nang isa pa. At nang isa pa. Hanggang sa araw-araw eh hindi na ako bumababa ng apartment para kumuha ng diyaryo. Araw-araw na rin akong nakakatanggap ng sulat. Kung kanino ay hindi ko alam. Masaya ako kasi hindi na ako nagbabayad. Pero ang kasiyahang iyon eh may halong kaunting kilig at takot dahil hindi ko alam kung sino ang taong nagpapadala ng sulat.

Iba-iba ang laman ng sulat niya. Minsan nangungumusta. Minsan may nakalagay na kuwento tungkol sa balitang nabasa niya. Mayroong isang sulat na sinabi niyang sa pareho kaming eskuwelahan napasok, at lagi niya daw akong nakikitang kumakain kasama ang ilang kaibigan ko. Sinabi rin niyang mapalad ako dahil nakapasok ako ng UP, kahit isang semestre lang. Paano naman kaya niya nalaman ang tungkol sa buhay-kolehiyo ko? Sinubukan kong tanungin ang mga kakilala kong Pilipino rin, pero walang makapagbigay ng impormasyon kung sino ang misteryosong lalaking nagbibigay ng sulat.

Kahit nakailang sulat na siya sa akin ay hindi ko ginawa ang isang bagay: ang sagutin ang sulat niya. Una, hindi ko alam kung saan siya nakatira. Kung sakaling kapitbahay ko siya sa 5-floor apartment na tinutuluyan namin eh hindi ko naman alam kung saan siya nakatira. Isa pa, anong sasabihin ko? Wala naman akong interesanteng sasabihin. Hindi ko rin kilala kung sino siya.

Patuloy pa rin ang pagpapadala niya ng sulat. Kaya nang hindi ko na matagalan ang pagtatago niya ay naisipan kong gumawa ng paraan.

# # # # # # # # # #
Originally published at Peyups, under the category, Love Stories.

This entry was posted on Wednesday, May 26th, 2004 at 2:32 am and is filed under Filipino, Love Stories, Peyups, Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.