Salamat
Hindi sinadya ang pagkakakilala natin. O maaari nga, hindi ko rin masasabi. Basta ang alam ko, naging malaking tulong ka sa unti-unti kong pag-ahon sa madilim na lugar at sa putikang kinasasadlakan ko nang mga panahong iyon.
Ang mga alaalang iyon ang nagbibigay sa akin ng damdaming pinaghalong pait, kasiyahan, pagsisisi, at pagkatakot. Minsa’y nagdalawang isip ako sa maaaring mangyari sa ating dalawa, at dumaan sa isip kong maaari akong magkamali kung itutuloy ko ang bawat naisin ko.
Subalit sa kabila ng kaliwa’t kanang pag-aalinlangan ko sa aking buhay, sa bawat desisyong nais kong gawin, sa bawat daang nais kong tahakin ay lagi kang nakagabay sa akin. Hindi ko alam kung bakit mo ito ginagawa para sa akin; wala akong maisip na dahilan kung bakit. Pero nang mga panahong iyon, sapat na sa akin ang malaman kong naririyan ka kung kakailanganin kita, at gayon din naman kung ikaw ay mangailangan ng tulong ko.
Minsan dumating yung panahong nagkahiwalay tayo ng landas. Noong una sinisi ko ang tadhana. Bakit ka pa niya binigyan ng ibang taong gagabay at magmamahal sa’yo? Hindi ba puwedeng ako na lang? Malaon ay nakahanap ako ng sagot sa mga katanungan sa aking isipan. Hindi pala puwedeng ako na lang lagi, kailangan pala kitang palayain, para malaman mo kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pagmamahal.
Ngunit hindi rin pala ako pinagmalupitan ng tadhana, sapagkat muli ka niyang ibinalik sa akin. Muli, nagbalik ang ating masayang pagsasamahan bilang magkaibigan. Oo, maaaring naroon ang kaunting hindi pagkakaunawaan, pagkaselos, at iba pang hindi kaaya-ayang mga damdaming pansarili, subalit ang ikinasisiya ko ay ang katotohanang ang pag-ibig natin sa isa’t isa ay hindi kayang mabuwag ng kung anumang damdamin o intensiyong makakasakit sa ating dalawa.
Hindi ko inisip na mapapasaakin ka na ng tuluyan, marahil dahil na rin sa ating nakaraang hindi pagkakaunawaan. Natuto tayong magbigayan at doo’y nabawasan na rin ang ating pag-aaway. At ngayong ang ating pagkakaibigan ay dumako na sa isa pang kabanata ng ating buhay; sa isang bahagi ng anumang relasyon, natutuwa ako’t walang anumang nagbago sa pakikitungo natin sa isa’t isa.
Nais kong magpasalamat sapagkat ika’y nagsilbing inspirasyon ko sa bawat gawain at hangarin ko, na nagbigay ka ng lakas ng loob sa mga panahong ako’y nanghina, sa mga pagkakataong halos wala nang pundasyon ang aking pagkatao. Utang ko sa’yo ang lahat.
Salamat dahil ikaw ang naging liwanag sa kawalan ng araw, buwan at bituin sa langit. Ikaw ang naging tamis sa pait at asim ng buhay. Ikaw ang naging ngiti sa mga labi at noong nakakunot dahil sa pagkairita o sama ng loob. Ikaw ang nagbigay ng pandinig at paningin sa pusong nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid.
Ngunit higit sa lahat, salamat, dahil ikaw ay naging ikaw, dahil minahal mo ako bilang kaibigan, at ngayo’y higit pa roon. Walang salitang makakapagpahiwatig ng aking masidhing kagalakan, pagpapasalamat, at pagmamahal sa iyo. Salamat.
# # # # # # # # # #
Originally published at Ang Aming Katha under Issue 8, “Walang Iwanan”.