Biyaheng ‘Gapo

Ala singko ng madaling araw at naghihintay ng susunod na biyahe ng bus. Namputsa, gago talaga yung pinsan ko at hinayaan akong magbiyahe mag-isa dahil na-sprain ang paa niya kakaporma sa larong basketball. Hindi tuloy niya ako masasamahan. Tanga talaga. Dyahe man, nagtiyaga na lang ako kaysa naman hindi matuloy itong lakad ko. Kahit nag-iisa ako, masaya ako. Kung makikita mo lang siguro ako nung mga sandaling ‘yon, kakantiyawan mo na naman ako dahil abot tenga ang ngiti ko. Yun naman ang gusto mo sa akin, ang nakikita mo ako nang nakangiti, di ba? Sigurado ako ngayon, mas matutuwa ka kung malalaman mong dadalawin kita sa Olongapo.

Excited akong makita ka kasi eto na yung pinakahihintay nating araw. Eto na yung chance na magkasama tayo ng matagal. Nung pasakay na ako sa bus, sa sobrang atat, natalisod pa ako dun sa hagdanan. Natawa tuloy yung mamang tsuper sa akin. Pero oks lang yon. Mas importante yung makikita kita sa loob lang ng 4 na oras.

Binuksan ko yung wallet ko at kinuha ang picture mo. Sino bang mag-aakala na magiging magkaibigan tayo sa hindi inaasahang pagkakataon? Napakasuwerte ko naman at naging kaibigan kita. Ikaw kasi yung naging karamay ko sa lahat ng bagay. Ay, oo nga pala, gigimik nga pala tayo pagdating ko dyan no? Dun ako sa mga pinsan ko makikituloy. Speaking of gimik, nangako ka na sasamahan mo ako sa night market, sa SBMA, sa times square, saka sa mga concerts. Saka nangako ka din na tutugtog yung banda mo para sa akin. Tuturuan mo din akong mag-skate, mag-cs, saka mag-swimming. Pero sabi mo din na titingnan mo pa dahil papaalam ka sa girlfriend mo.

Muntik ko nang makalimutang may girlfriend ka na. Kasi naman hindi sya nababanggit kapag nag-uusap tayo. Para bang sa atin lang yung mundo. Tayo lang yung nag-kakaunawaan. Pero okay lang kung magpaalam ka. Saka hindi naman siya magagalit, hindi ba? Wala naman tayong gagawing masama dahil kaibigan lang kita. Pero nagtataka pa rin ako, ba’t ako naiinis kapag nababanggit naman siya sa usapan natin? Naalala ko kung nag-text tayo magdamag, iniwanan mo ako sa ere nang isang oras. Akala ko kung ano na nangyari sa yo. Yun pala, kausap mo ang girlfriend mo sa telepono. Okay lang sa akin yun, girlfriend mo siya, girl bud mo lang ako. Anong karapatan kong magreklamo?

Uyy, pinapatugtog sa radyo ng bus yung kanta ng paborito mong banda. Naalala mo pa ba, ikaw ang nagpakilala sa akin sa mga hardcore na music na sinumpa kong hindi ko pakikinggan. Pero tingnan mo ngayon, maliban sa cbeef, Linkin Park lang ang laman ng component ko. Naiinis na nga ang nanay ko dahil ang ingay daw. Eh okay lang yon, iba naman ang generation nila sa atin eh.

Ilang oras ang lumipas, nakareceive ako ng text sa’yo. Sabi mo:

Oi prinsesa gela mgndng am!
Sfe b byhe m?
Ingt k dyn h? snduin kta mmya.
Teyk keir!

Kinilig na naman ako nang mabasa ko yun. Reply naman ako kaagad. Sabi ko na susunduin mo ako. Nakangiti akong dumungaw sa bintana at hinintay ko ang pagtigil ng bus sa terminal sa ‘Gapo.

Pagbaba ko ng bus, ikaw kaagad ang hinanap ng mga mata ko. Nakita kita agad. Mabilis akong lumapit papunta sa iyo. Kahit nagkakanda-talisod na ako, okay lang. Makikita na rin kita sa wakas!

Nakangiti kang lumapit sa akin. Pero yung ngiti ko, unti-unting nawala. May kasama ka pala.

“Hi! Ikaw pala si Angela.”

Ang girlfriend mo.

# # # # # # # # # #
Originally published at Peyups, under the category, Love Stories.

This entry was posted on Wednesday, December 26th, 2001 at 2:32 am and is filed under Filipino, Love Stories, Peyups, Stories. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.