Piraso
MARIRINIG ang mahinang ugong ng electric fan sa katabing tokador at maaaninag ang sinag ng buwan sa bintana. Mainit ang panahon, at sa loob niya’y may kung anong nais kumawala sa kinalalagyan nito. Ilang maaalab na mga sandali ang namamagitan sa kanya at sa kanyang kaniig. Ramdam niya ang bawat kilos nito, sa kabila ng kirot at hapding nadarama niya ay pilit niyang ibinibigay ang sarili…
Dumaan ang mga oras, at humupa rin ang mga nagbabagang damdamin. Nandoon pa rin ang electric fan, and liwanag, at ang kasama. Nakita niya ang pagtaas-baba ng dibdib nito, tanda na humihinga ito ng malalim at pagod na marahil. Yumakap siya dito, alam niyang ilang minuto na lamang ay muli na naman siyang maiiwan sa kamang iyon. Nag-iisa. Luhaan. Nawalan.
Napansin niyang may pares ng matang nakatingin sa kanya, halatang pinipilit nitong aninagin ang kanyang balintataw. Nginitian niya ito, at muli, gumapang na naman ang kakaibang init sa kani-kanilang katawan.
Sa bawat halik na gumagapang sa kanyang leeg, naisip niya na muli ay gagamitin siya ng taong ito. Sa bawat haplos ay alam niyang isa na naman itong banta sa muli nitong pagpasok sa kanyang mundo. At sa bawat galaw ng katawan nito, naitanong niya sa sarili, ‘hanggang dito na lamang ba ako?”
Alam niyang isang pagkakamali ang pumasok sa ganitong pagkakataon. Mali. Hindi lamang sa mata ng Diyos, kung hindi pati narin sa mga taong nakapaligid sa kanya. Ngunit hindi niya ito inalintana. Dahil alam niyang ang panandaliang aliw sa piling ng lalaking kasama ay ang pagpapahayag niya ng kanyang pag-ibig. Alam niyang hindi nito naiintindihan ang nais niyang sabihin, kaya’t sa ritmo na lamang ng kanilang mga katawan maaring mabuo nila ang musikang nais niyang maipahayag.
Ngunit alam niyang isa siyang hangal. Hangal sa pag-aakalang maiintindihan siya nito; sa paniniwalang ang kanyang ginagawa nang mga nakaraang araw—at sa sandaling ito—ang magbibigay daan upang masabi niya ang nadarama niya. Subalit ang lahat ay napuno lamang ng pagnanasa. Isang gabing puno ng nag-aapoy na damdamin.
Walang pagmamahal.
Luha na lamang ang kanyang naitugon sa muli nitong pagsakop sa kanyang pagkatao. Luha na puno ng galit, lungkot, at pagsisisi sa isang bagay na ninais niyang gawin, ngunit hindi niya inaasahang magiging ganoon ang kahihinatnan. Nais na niyang wakasan ang anumang bagay na nangyayari sa kanya. Nais na niyang mabuhay ng mapayapa. Nais niyang maging masaya, kahit sa kaunting saglit man lamang.
Bumalot na naman sa kanyang katawan ang pamilyar na kirot, habang ginagawa ng kasama ang balak nito. Kung maibabalik lamang niya ang panahon, maaring hindi na ito nangyari sa kanya. Kung nag-isip lamang siya ng mabuti. Sana humingi siya ng tulong. Sana hindi siya naglihim. Sana hindi siya nagmahal ng todo. Sana hindi siya nasasaktan tulad ngayon.
Puro nalang sana. Hanggang hiling at pagsisisi na lamang yata ang kaya niyang gawin sa mga oras na iyon.
Nais niyang takasan ang lugar na iyo at mapadpad kung saan walang nakakakilala sa kanya, walang makikialam sa kanya upang muli ay makapagsimula siya.
Gusto niyang pagtagpi-tagpiin ang kanyang nakaraan. Idikit ang mga ito ng isa-isa nang sa gayon, walang tao ang makaaninag sa sira-sira niyang buhay. Sa kabila ng mga pangarap at isiping iyon, wala siyang magawa kung hindi ang tumugon sa tawag ng laman.
Natapos muli ang maalab na tagpo. Muli ay nakahiga siya sa kama. Pinagsawaan. Gula-gulanit, sira-sira. Pinagpira-piraso…
# # # # # # # # # #
Originally published at Tinig, Issue 4.