Oras ng Paglaya

Malandi raw ako. Malimit umaalingawngaw sa aking pandinig ang mga ganitong panlilibak sa tuwing daraan ako sa isang pangkaraniwang kalye paglabas ng bahay namin. Maarte. Bastusin. Pok-pok. Sa umpisa hindi ko pinapansin ang mga sinasabi nila. Para sa akin, wala silang karapatang sabihan ako ng ganoon. Hindi nila ako pinapalamon. Hindi nila ako binibihisan. At mas lalong hindi nila ako kilala para pagpiyestahan at gawan ng tsismis ng mga kagaya nila—mga taong makakati ang mga bunganga at ginagawang agahan ang pamumuhay ng iba.

Kipkip ang mga gamit, mabilis akong lumabas ng eskinita. Napadaan ako sa tindahan ni Aling Josefa. Pinagsisilbihan ang mga sunog-baga at mga lasenggo, na kay aga-aga, si Kamatayan kaagad ang kasama. Sumipol ang mga lasenggong hinayupak. Tiningnan ako mula ulo hanggang paa, parang tumitingin ng karne sa palengke. Hindi ko pinansin ang mga walang-hiya. Pero ang totoo, natutuwa ako sa papuri nila at napansin nila ako.

Umiral na naman ang pagiging haliparot ko. Disente sa labas, hayop naman sa loob ang kalandian. Pero babae lamang ako. Oo nga’t nais kong ginagalang ako, ngunit hindi maiwasang matuwa at napapansin ako ng madla-kahit sa hindi magandang paraan.

Nakarating na ako sa abangan ng dyip. Tiningnan ko ang relo na nakasuot sa braso ko. Mag-aalas otso y medya na ng umaga. Matagal pa sigurong magbubukas iyon, naisip ko. Mabuti na ito at nang maaga akong makatapos at makapagtrabaho pa uli sa hapon.

Sumakay ako ng dyip. Kumuha ng apat na piso sa wallet at iniabot sa tsuper. Mahal na ang pamasahe. Kailan lang eh piso at singkwenta sentimos lang ang binabayad ko. Tumataas na rin ang bilihin. Kinalkula ko sa isipan ko ang mga gastusin, kasama na ang pagpapakain sa kapatid kong bigla na lang pumunta rito sa Maynila. Alam naman nilang mahirap ang buhay sa siyudad. At hindi ito isang paraiso tulad ng sinasabi sa komiks. Pantasya lang yun. Walang katotohanan. Gusto ko nga siyang batukan. Gusto kong sabihin sa kanyang nagpakatanga ka at naniwala ka sa mga sabi-sabing gaganda ang buhay mo dito. Pero ang siste, hindi ko rin maamin sa sarili ko na isa rin akong tanga. Nagpaniwala rin sa mga kuwento. Kaya heto ako ngayon, mas naghirap na, napariwara pa.

Tumigil ang sinasakyan ko. Trapik na naman. Hindi na nawala ang lintek na trapik na ito. Alas nuebe na. Peste. Mauunahan na naman ako. Bakit ba kasi parang sa demonyo ang mga tsuper dito sa Maynila. Mga hindi makaintindi. Siksik dito, siksik doon. Umandar nang kaunti ang sinasakyan ko. Naaamoy ko na ang mga katabi ko. Yung isa, amoy estero pa. Parang hindi naligo. Hindi na nahiya. Tapos naka-kurbata pa. Yung katabi ko namang babae, pindot ng pindot dun sa cellphone niya. Hindi na natigil sa kakapindot. Tapos may nanigarilyo pa. Lalong nasira ang araw ko. Buti naman at umandar nang muli ang dyip bago pa talagang mag-init ang ulo ko.

Nahagip ng paningin ko ang karatula ng dapat kong puntahan. Heto na. Pinara ko ang dyip na sinasakyan ko at tinungo ang pakay na lugar. Sa lagay na iyon ay gusto kong maduwal. Nais kong ilampaso ang sarili ko habang papasok ako sa lugar na iyon. Marami nang mga babaeng nag-aayos doon. Lakad dito, lakad doon. Nakakadiri rin ang mga suot nila. Hindi ko nga alam kung masasabi ko pang may suot pa sila. Pero nasanay na rin ako. Ganoon din naman ang gagawin ko. Hinanap ko ang matronang may may-ari ng massage parlor na pinuntahan ko. Mataba siya, tulad ng pangkaraniwang bugaw. Pero sosyal. Ayaw pahalatang madumi rin ang negosyo niya. Tiningnan din niya ako mula ulo hanggang paa, tulad ng mga tingin ng mga lasenggero sa amin, sabay langhap ko sa usok na binubuga niya. Hinamon ko rin ang mga tingin niya. Masahe lang naman ang kailangan dito sa negosyo mo eh. Mas malala pa ang trabaho ko dun sa club. Nais kong ipamukha sa kanya.

Ngumiti ang matrona, saka pinakilala ako sa mga masahistang naroon. Puwede na raw akong mag-umpisa ngayon, bulong pa ng matabang matanda. Pinaubaya niya ako sa isa sa mga babaeng makakasama ko at dinala na ako sa dapat pagdalhan.

Ilang oras pa ang lumipas, marami-rami narin ang naserbisyuhan ko. Natuwa nga ang iba sa akin, mabili daw agad ako. Yung iba, siguro minumura na ako. Punyeta to ah, mang-aagaw ng trabaho. Kay bago-bago, lumalandi na.

Ano ba ang dapat asahan sa trabaho namin? Hindi ba ang lumandi, mang-akit sa pamamagitan ng mga kamay? At kung gusto pa ng mas maraming pera, ibibigay ang sarili. Kumita ka na, nakapagparaos ka pa.

Muli kong tiningnan ang relo. Gumagabi na. Napag-usapan na namin ng matabang matrona na umaga ang pasok ko dahil may pasok pa ako sa gabi. Pumayag naman ang matanda. Sabagay ay nabigyan ko naman siya ng kunswelo. Pareho kaming kumita nang malaki.

Nagbihis ako, umalis sa sauna at pumunta naman sa ibang direksiyon, sakay ng dyip. Trabaho na naman. Kahayupan na namang trabaho. Mabilis ang naging biyahe ko. Nadaanan ko na ang maliliwanag na ilaw. Mga foreigner na naghahanap ng panandaliang aliw. Mga kabataang bumibili ng ipinagbabawal na gamot. Mga nagbebenta ng laman. Mga nagpapabenta.

Pinara ko ang sinasakyan ko at tinungo ang isang pamilyar na lugar. Pagpasok ko ay bumalot na ang malakas na tugtog, kasabay ng mga sigawan at hiyawan. Marami nang tao, bulong ko sa sarili. Pumunta na ako sa backstage at nagpalit ng damit. Natawa ako sa sarili. Bakit ko pa kailangang magpalit ng damit kung huhubarin ko rin naman ito?

Sumigaw ang kasama kong hostess. Malapit na raw ako. Matapos ang huling tugtog, ako naman ang pumunta sa entablado. Naghiyawan ang mga tao. Ako ang pinaka-aabangan nila. Ako at ang katawan ko. Nagsimula na akong gumiling. Sumayaw sa harapan ng mga tao. Natutuwa ako at nabibigyan ko sila ng kasiyahan—kasiyahan na ako lang ang may kakayahang magkaloob sa kanila. Nababakas ko ang apoy ng pagnanasa sa kanilang mga mata. Gusto nila akong hawakan. Madama ang mala-sutla kong balat sa kamay nila.

Nasa gitna na ako ng pagsasayaw nang bigla na namang lumungkot ang mga mata ko at nagsimula na namang mandiri sa sarili. Hindi ko matanggap ang katotohanan na hindi nga ako natutuwa sa ginagawa ko. Pakiramdam ko ay isang akong babaeng nilublob sa burak, sa putik. Ngunit may magagawa ba ang isang mahirap na katulad ko? Mahirap maghanap ng trabaho. Kailangang maging praktikal kung ayaw mong mamatay sa gutom.

Winaksi ko ang awa sa sarili at pinagpatuloy ang pagtatrabaho. Sa pag-ikot ko ay may nakita akong isang pares ng mga mata. Mata na puno ng mga emosyon—awa, inis, pagtataka, galit, kalungkutan, pandidiri. Muli ko na namang nakita ang taong ito. Guguluhin na naman niya ako. Tinapos ko na ang aking pagsasayaw nang may tuwang iniwan sa mga manonood. Pero hindi sa kanya. Habang nagbibihis ay iniisip ko na ang balak gawin. Gusto ko siyang kausapin, murahin, sampalin. Hindi na niya kailangan pang pumunta dito. Hindi na. Hindi ko naman siya kailangan dito. Kumikita ako kahit wala ang tulong niya. Lumabas ako ng kuwarto, iniwan ang gamit sa backstage. Saglit lang naman ako.

Pero hindi ko na siya naabutan. Marahil alam niyang magagalit ako sa kanya. Alam niyang ayaw ko siyang makita. Hindi sa ayaw ko talaga siyang makita. Ayaw kong makita niya ang ginagawa ko.

Laglag ang balikat na bumalik ako sa backstage. Sumalampak ako sa sahig at sabay pakawala ng luhang matagal ko ring kinimkim. Bago na ang tugtog. Naghuhubad na ang iba kong kasama.

Natawa ako sa sarili ko. Bakit ba hindi ko matanggap na tama nga ang sinasabi ng mga tsismosa sa lugar namin na isa akong malandi? Pokpok? Masakit man tanggapin ang katotohanan, ngunit ganoon talaga. Subalit tingnan man sa ibang anggulo ang buhay ko, doon at doon din naman ako babagsak. Oo nga’t may pinag-aralan ako, maganda at matalino. Pero wala akong pera. Pera na bubuhay sa akin at sa pamilya ko, magpapakain sa akin, magbibihis sa akin upang gawing disente ang buhay kong amoy estero-tulad ng nakasabay ko sa dyip kanina.

Pinahid ko ang maalat na likidong dumadaloy sa aking pisngi. Ang buhay talaga, sa bawat sandali ay nagiging komplikado. Inisip kong harapin ang realidad at bumalik na sa pangkaraniwang ritwal ng buhay ko. Matutulog, gigising, maglilinis ng bahay, maghuhubad, kakalantari, maghuhubad at uulit lang uli sa umpisa. Tumayo na ako at inayos na ang mga gamit ko. Paalis na ako nang maalala ko ang aking relo. Dali-dali ko itong sinuot, pagka’y tumigil. Tiningnang mabuti ang instrumentong nakalagay sa aking maputi at makinis na braso. Napangiti ako. Naalala ko na naman ang malungkot na pares ng mga mata na siyang nagbigay sa akin nito noong mga panahong masaya pa kami.

Naaalala ko pa ang panahong sinabi niyang ayaw niyang masira ang kinabukasan ng isa man sa amin. Dapat na magsikap kami kahit na mahirap lang. At ang relong iyon ang regalo niya sa akin noong nakatapos kami ng pag-aaral. Noong una’y ayokong tanggapin dahil pareho lang kami ng kalagayan sa buhay. Pareho lang kaming kahig at tuka.

Nagbiro pa nga siya noon. Sinabi niya na babalikan niya ako. Mahal niya ako. At dapat magsikap kami. Magsikap. Akala ko biro lang talaga yon, kaya sinakyan ko naman. Kunwari naniniwala ako sa kanya. Pero dahil sa lebel ng pamumuhay ko, hindi talaga ako nakinig sa sinabi niya. Nagsikap nga ako, pero sa maling paraan. Sa nakakadiring paraan.

Muli na namang bumalik ang isipang iyon. Nais kong itapon ang relong iyon. Nagpapaalala lamang ito ng pagiging makasalanan ko. Nang pagiging talunan ko. Oo, talunan. Hindi ko tinanggap ang mga hamon sa buhay at bumigay kaagad ako. Ang tanga ko talaga. Mangmang.

Nagbalak na akong umalis. Lumabas na ako ng backstage. Pauwi na ako at nag-aabang ng masasakyan nang makita ko na naman ang pamilyar na mata. Nakatayo siya sa isang tabi, nakalagay ang mga kamay sa bulsa ng pantalon. Parang gusto niya akong lapitan. Nababasa ko sa mga mata niya. Nais niya akong makasama. Alisin sa nakakadiring lugar na ito. Tiim-baga pa rin siya. Pero ang mga mata niya’y umaaninag sa nararamdaman niya sa akin-sa kalagayan ko. Naiyak na naman ako. Dahan-dahan ay lumapit ako sa kanya. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at niyakap siya ng mahigpit, at pinakawalan ang sama ng loob. Niyakap niya ako. At sa tinagal-tagal ng panahon ng pagiging madumi ko, ngayon lang ako nakaramdam ng ginhawa.

Narinig ko ang pag tik-tak ng relo ko. Napangiti ako. Nagpapahiwatig na hindi pa huli ang lahat para sa akin. Dumating na ang oras na pinakahihintay ko.

# # # # # # # # # #
Originall published at Tinig, Issue 2.

This entry was posted on Thursday, May 3rd, 2001 at 6:03 pm and is filed under Filipino, Stories, Tinig. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed. Both comments and pings are currently closed.

Comments are closed.